Sa loob lamang ng iilang taong pananakop at pamamahala ng mga amerikano sa ating bansa ay nagdulot ito na para bagang napakalaking peklat sa ating kultura. Kasama na sa nabahidan ng sistemang kolonyal ang ating pagsasalita, pakikipagsalamuha sa iba, pagtingin at pag-intindi sa isang ideya, paggawa ng desisyon, at iba pang sistema nang pagiging Pilipino. Hanggang ngayon, dumaan na ang ilang dekada, makikitang nababakas pa rin ang bahid ng kulturang Amerikano ang sariling atin. Mula sa paaralan, sa trabaho, sa cyber space, sa media, o maging sa tahanan, ang impluwensya ng Amerikano ay hindi naitatago. Ipinapakita lamang nito na mataas ang tingin natin mga Pilipino sa kultura ng nakalipas na kolonyal kaysa sa ating kultura. Dahil dito mas lalong bumibigat ang paghahangad nating mas mapalalim ang pagkakatali natin sa kulturang Amerikano.
Ngunit mayroong ding mga hindi magagandang naidudulot ang mataas na pagtingin nating mga Pilipino sa kultura ng Amerikano. Ito ay sa kadahilanang bumababa ang antas ng pagtingin natin sa sarili nating kakayanan na nagiging daan naman upang bumaba rin ang tiwala natin sa kakayahan ng sariling atin. Ang pagbaba ng tingin sa sariling kultura ay nagdudulot ng pagtanggap sa mga negatibong paglalarawan sa Pilipino o sa Pilipinas.
Ang sikolohiyang Pilipino, pinangunahan ni Virgilio Enriquez, ay isang magandang hakbang na nagpapakita ng paghamon sa kaisipang kolonyal tungo sa ating pagkapilipino. Nakatutuwang isipin na ang mga paglalarawan ng ibang kultura sa ating mga pilipino, bilang isang negatibong kaanyuan, ay lumalabas na isang positibong paglalarawan ng ating kultura. Bukod pa sa mga pagtatamang nagagawa ng Sikolohiyang Pilipino, mas lalo nating naiintindihan ang nauunawaan ang tunay na Pilipino. Ang Pilipino ay ang kapwa ng Pilipino.