Tuwing papasok ako sa school, manood ng sine, mamamasyal sa park, at sa mga aktibidad na kinakailangang kong lumakbay, ang pagsakay sa jeepney ang isa sa mga pangunahin at madalas kong ginagawa. Ang pagsakay ko sa jeep ay bahagi na nang aking buhay simula nang mag-aral ako dito sa Maynila. Halos-araw araw ay iisang ruta lamang ang pinaglalakbayan ko upang makrarating sa school. Dahil sa mga ganitong pagkakataon iba’t ibang pangyayari na ang naranasan ko sa loob ng jeep.
Kung titingnan, ang pagsakay sa jeep ay isang simpleng bagay lamang. Mula sa pagpara mo ng jeep, hanggang sa pagsakay at pag-upo mo rito, wala ka nang ibang gagawin kundi maghintay na makarating sa iyong pupuntahan. Simple diba? Parang walang komplikadong sistema o prosesa na kinakailangan sa loob ng isang pampublikong sasakyan na walang ginawa kundi ang umikot ikot sa iisang rutang kanayang sinusunod. Pero kung titignang mabuti, kahit sa loob ng isang jeep, ang pulitika ay buhay at nagpapaikot ng sistema. Maaring maliit na bagay pero isa pa rin itong isang proseso na kinakailangan ng paggawa ng desisyon.
Dahil sa tinagal tagal ko nang pagsakay sa jeep, lahat na ng pwesto sa loob ay nasubukan ko nang upuan. Mayroong sa tabi ng driver- kung saan iwas sa labing walong taong nagsisiksikan sa likod, mayroon ding upuan sa bandang unahan ng likod ng driver –kung saan madali kang makakapagbayad, sa bandang dulo ng jeep kung saan madali kang makakababa. Sa pagpili pa lang ng uupuan ay nangangailan na ito ng isang pagdedesisyon at mula sa desisyong ito magmumula ang mga susunod na kaganapin sa loob ng jeep. Sa pagpili ng mauupuan, kadalasang pinipili ko ang sa may bandang unahin sa likod mismo ng driver o sa tabi niya. Ito ay dahil sa tatlong rason: una, madaling magbayad sa driver; ikalawa, iwas sa pagsisiksikan sa gitna at iwas pagbabayad; at ikatlo, ay pangseguridad na usapin. Ang pagpili ko ng mauupuan ay isang akto ng paggamit ng kapangyarihang mamili. Dahil sa kadalasang pag-upo ko sa likod ng driver, nasa sa aking mga kamay ang desisyon kung tutulong akong mag-abot ng bayad o dededmahin nalang at hayaan ang katabi ko ang magtrabaho. Sa maliit na interakyson na ito ko naipapamalas angkalayaan at kakayahan ko magdesisyon.
Bukod pa sa mga nabanggit sa itaas, dahil sa nag-iisa lang ako, dumadating ang punto na ako ang nagsisilbing pampuno ng isang jeep upang tuluyan na itong lumayag. Nasa aking desisyon kung makikipagsiksikan ako para makaalis na silang lahat o maghihintay kami parepareho sa ibang pasahero o jeep.
Ang jeep ay isa sa mga magandang bagay na sumasalamin sa ating kultura. Sa mga pangalan pa lang na nakasulat sa loob o labas ng jeep ay nagpapakita ng pagpapahalaga natin sa ating pamilya. Ang mga dasal, rosaryo at maliliit na larawan o figure ni Hesus o mam Mary ay nagpapakita naman ng pagiging makaDiyos natin. Ang pagiging masipag ng mga Pilipino, ang pakikipagtulungan mula sa pag-abot ng bayad at sukli, at ang pagiging mapamaraan nating mga Pilipino ay makikita sa loob ng isang jeep.

No comments:
Post a Comment